
Alinsunod sa Seksiyon 397 ng Batas Republika Blg. 7160 o Local Government Code of 1991, ang lahat ng barangay ay inaatasang magsagawa ng Barangay Assembly na binubuo ng mga residente ng barangay na naninirahan nang hindi bababa sa anim (6) na buwan, may edad na labinlimang taon (15) pataas, mamamayang Pilipino, at nakarehistro sa listahan ng mga kasapi ng barangay assembly.
Ang Barangay Assembly ay isinasagawa nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon upang dinggin at talakayin ang semestral na ulat ng Sangguniang Barangay kaugnay ng mga gawain, pananalapi, proyekto, at mga isyung nakaaapekto sa barangay. Ito rin ang nagsisilbing bukas na plataporma upang marinig ang hinaing, suhestiyon, at mungkahi ng mga mamamayan patungkol sa barangay.
Ayon sa DILG Memorandum Sirkular Blg. 2025-102, ang Barangay Assembly para sa Ikalawang Semester ng CY 2025 ay gaganapin tuwing alinmang Sabado o Linggo ng buwan ng Oktubre 2025 na may tema na “Araw ng Pakikibahagi: Solusyon at Aksyon ating Talakayin ngayong Barangay Assembly!”.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa pagsasagawa ng Barangay Assembly para sa ikalawang semestre ng 2025, basahin ang Memorandum Sirkular Blg. 2025-102 sa link na ito:https://bit.ly/DILGMC2025102














