Bilang tugon sa Atas Tagapaganap Blg. 138 pinangunahan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal – MIMAROPA ang pagsasanay para sa mga lokal na pamahalaan sa Rehiyon hinggil sa pagbalangkas ng Devolution Transition Plan (DTP) noong ika-9 hanggang ika-11 ng Agosto 2021.
Ito ay dinaluhan ng mga kawani mula sa mga lalawigan, lungsod, at bayan ng rehiyon. Isa ang DILG MIMAROPA sa mga unang rehiyon na naglunsad ng nasabing pagsasanay.
Tampok sa ginawang pagsasanay ang workshop sa pagbuo ng devolution transition plan ng mga lokal na pamahalaan.
Ang DTP ang siyang magiging gabay at panuntunan ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan at ng mga pamahalaang lokal sa pagsisiguro na ang mga tungkulin at pamamahala ng ilang serbisyo ay lubos nang nailipat sa mga lokal na pamahalaan pagsapit ng taong 2024.
Kaugnay nito, isa-isang ibinahagi ng mga panrehiyong ahensiya ng pamahalaan ang kani-kanilang DTP nang sa gayon ay maihanay ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang plano sa paparating na FY 2022.
Nagpasalamat naman si Panrehiyong Patnugot Wilhelm Suyko sa mga katuwang na ahensiya sa ginanap na rollout at sa mga delegasyon mula sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan.
“Napakalaking papel ang ginagampanan ng ating mga Devolution Transition Committees na pinamumunuan ng mga punong ehikutibo. Nararapat na sila’y mabigyan natin ng tama at masusing patnubay bilang paghahanda sa kanilang tatahaking mga pagbabago at mga gawain”, ani RD Suyko.
Alinsunod sa EO 138, ang mga pambansang ahensiya ng pamahalaan ay kinakailangang mag-devolve ng mga tungkulin patungo sa mga lokal na pamahalaan katulad ng nakasaad sa Seksiyon 17 ng Local Government Code of 1991.
Ito ay matapos magdesisyon ang Korte Suprema sa petisyong idinulog ni dating Kongresista at ngayo’y Gobernador ng Lalawigan ng Batangas na si Hermilando Mandanas at dating Kongresista ng ikalawang distrito ng Lalawigan ng Bataan na si Enrique Garcia, Jr.
Sa ginawang kalkulasyon ng Kawanihan ng Rentas Internas (Bureau of Internal Revenue), Kawanihan ng Adwana (Bureau of Customs), at Kawanihan ng Ingatang-Yaman (Bureau of Treasury), tinatayang aabot sa Php 960 Bilyong Piso ang magiging alokasyon ng mga lokal na pamahalaan ngayong FY 2022. Ito ay katumbas ng 38% na karagdagang pondo ng mga LGUs sa kasalukuyan.
Ayon sa Seksiyon 17 ng Local Government Code of 1991, ang mga pangunahing serbisyo katulad ng programa patungkol agrikultura, kalusugan, imprastraktura, kalikasan, kagalingang panlipunan, turismo, pabahay, at marami pang iba ay dapat ginagampanan at naibibigay ng mga lokal na pamahalaan.
Ang ikalawang araw ng gawain ay nakasentro sa isang pagsasanay ng mga kalahok sa pagbuo ng mga karagdagang dokumento na kailangan para sa kanilang DTP. Nagkaroon naman ng pagkakataong ipresenta ng mga kalahok ang kanilang mga outputs.
Ibinahagi ng Lungsod ng Puerto Princesa ang kanilang dokumento patungkol sa State of Devolved Functions, Services and Facilities. Ibinahagi naman ng Narra, Palawan ang kanilang natapos na Phasing of Full Assumption. Ang Magsaysay, Occidental Mindoro ay nagprisenta ng kanilang Capacity Development Agenda habang ang Lalawigan ng Romblon ay nagbahagi ng kanilang Organization Structure and Staffing Pattern. Performance Target for Devolved Functions and Services naman ang ibinahagi ng Lalawigan ng Oriental Mindoro. Panghuli na nagbahagi ng kanilang Local Revenue Forecast and Resource Mobilization ay ang Mogpog, Marinduque.
Sa panghuling bahagi ng programa, pinasalamatan din ni Kawaksing Panrehiyong Patnugot Rey Maranan ang mga katuwang na ahensiya at mga lokal na pamahalaan sa kanilang pakikibahagi sa tatlong araw na pagsasanay at talakayan.
Binati niya rin ang mga kawani ng komite sa pangunguna ng LGCDD sa matagumpay na pagpapadaloy ng programa.
“Kami sa DILG ay gagabay sa pagbuo ng mga documents na ito. Nand’yan ang DILG para mapalakas ang kakayahan ng LGUs. Hanggat may LGUs, nandiyan ang DILG”, dadag ni ARD Maranan.
Pinaalalahan niya rin na kinakailangang magsumite ang mga lokal na pamahalaan ng DTP, Capdev Agenda, at ComPlan bago matapos ang 2021. ##
By: LGOO III Chelsea Coleen Tamayo & LGOO II Whalee Ferrera