Pormal na pagpapasinaya sa proyektong pang kalsada na nagkakahalaga ng P20 milyon sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Target ito na matapos sa Disyembre 2021. (Photo courtesy: Governor Ed Gadiano FB Page) |
Agosto 26-31, 2021 – Pinangunahan ni Gobernador Eduardo Gadiano ng Occidental Mindoro, ang ‘Ceremonial Groundbreaking’ ng 17 proyekto na nagkakahalaga ng mahigit P78 milyon, na pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund – Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa mga bayan ng San Jose, Paluan, at Magsaysay sa Lalawigan ng Occidental Mindoro.
Kabilang sa mga naunang pinasinayaan ay ang proyektong ‘farm to market road’ ng Barangay Purnaga, Magsaysay, na nagkakahalaga ng P19,990,011.11.
Proyektong farm to market road sa Barangay Batasan, San Jose, Occidental Mindoro |
Kasabay nito, pinasinayaan din ang ‘farm to market road’, gusaling pampaaralan, at pagtatayo ng ‘street lights’ sa Barangay Batasan, San Jose.
Pagpapasinaya ng proyektong patubig, pagtatayo ng gusaling pampaaralan at pangkalusugan, at ‘solar street light sa Barangay Harrison, Paluan, Occidental Mindoro. (Photo courtesy: Governor Ed Gadiano FB Page) |
Gayundin, naging hudyat ang ‘ceremonial groundbreaking’ sa pagpapatayo ng gusaling pampaaralan at pangkalusugan, ‘solar street lights’, at proyektong patubig sa Barangay Harrison, Paluan.
Ceremonial groundbreaking ng limang proyekto sa Barangay Mananao, Paluan, Occidental Mindoro. (Photo courtesy: Governor Ed Gadiano FB Page) |
Samantala, gusaling pampaaralan at pangkalusugan, at pagpapatayo ng ‘solar street lights’ naman ang pinasinayaan sa Barangay Mananao,Paluan.
Photo courtesy: Governor Ed Gadiano FB Page |
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga kawani mula sa ibat-ibang ahensiya at lokal na pamahalaaan. Katuwang sa nasabing pagpapasinaya ay ang kinatawan mula sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal na si PDMU Chief, Lorenzo Suarez, PD Juanito Olave, Jr ng DILG Occidental Mindoro, Mayor Romulo Festin ng San Jose, Mayor Cesar Tria ng Magsaysay, Mayor Carl Michael Pangilinan ng Paluan, at mga punong barangay ng Barangay Batasan, San Jose; Barangay Harrison at Mananao, Paluan; at Barangay Purnaga ng Magsaysay.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Gobernador Gadiano ang mga mamamayan ng nasabing mga pamayanan na patuloy na makipagtulungan sa mga programa at proyekto ng pamahalaan upang magpatuloy ang kapayapaan.
Governor Eduardo Gadiano, Province of Occidental Mindoro (Photo courtesy: Governor Ed Gadiano FB Page) |
“Pag-usapan natin kung ano ang problema at tugunan natin ng tulong-tulong. Hindi na kailangan na daanin sa dahas upang ang ipinaglalaban ay makamit” pahayag niya.
Alinsunod sa Local Budget Circular Blg. 135 ng Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala, ang mga barangay na kabilang sa programa ay makakatanggap ng hindi lalampas sa P20 milyon na maaring gamitin sa pagpapatayo ng kalsada; gusaling pampaaralan; patubig; gusaling pangkalusugan; rural electrification; pagsasaayos, pagkukumpuni, at rehabilitasyon ng mga estruktura o proyekto na nasalanta ng kalamidad, armadong pakikipaglaban, terorismo, insurhensiya, at ilan pang sakuna; pabahay; programa para sa pagpapabakuna kontra COVID-19 at mga kahalintulad na proyektong medikal; proyektong pang-agrikultura, pangkabuhayan at teknikal bokasyonal na pagsasanay; at tulong para sa mga mahihirap na indibidwal o pamilya sa pamamaraang medikal, libing, transportasyon, pagkain, cash for work, at pang edukasyon.
Sa panayam kay DILG Regional Director Wilhelm Suyko, ipinaabot nito ang pagbati sa mga benepisyaryo ng mga proyekto sa rehiyon.
Aniya, ito ay patunay na ating pamahalaan ay seryoso sa kampanya upang makamit ang kapayapaan at laging handang tumulong sa pangangailangan ng ating mga kababayan.
File Photo: RD Wilhelm Suyko, CESO IV, DILG MIMAROPA |
“Hindi na mahihirapang maglakad sa putikan at baku-bakong kalsada ang ating mga mag-aaral tuwing sila ay papasok sa eskwelahan at mabilis na ring makaaabot sa pamilihan ang mga produkto ng ating mga magsasaka. Mas mapapabilis na rin ang transportasyon ng ating mga kababayan lalo na sa panahon ng emergency” dagdag niya.
Sang-ayon sa Atas Tagapaganap Blg. 70 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2018, ang NTF-ELCAC ang siyang mangunguna at magsisiguro ng epektibong implementasyon ng ‘Whole-of-Nation approach’ upang makamit ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan.
Samantala, ang DILG naman ang naatasan upang masiguro at matiyak na maayos ang implementasyon ng mga programa at proyekto.
Batay sa pinakahuling datos ng DILG MIMAROPA, umabot na sa P340 milyon ang naibaba ng Kagawaran ng Pananalapi – Kawanihan ng Ingatang-Yaman para sa 17 barangay ng Rehiyon.
Sa kabuuan, aabot sa P500 milyon ang alokasyon para sa 25 na “insurgency-cleared” na mga barangay sa Rehiyon.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga punong bayan at punong barangay na nabiyayaan ng P20 milyong halaga ng mga proyekto at programa. ##
Ni: LGOO II Whalee Ferrera