Bilang bahagi ng adhikain ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal na paigtingin pa ang kampanya sa paghihikayat sa lahat ng Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19, inilunsad ng DILG MIMAROPA ang “Town Hall Meeting to Address Vaccine Hesitancy” noong ika-20 ng Agosto, 2021.
Ang ginanap na Town Hall Meeting ay dinaluhan ng mga miyembro ng mga local na pamahalaan, Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), mga kabilang sa priority groups (A1-A4), at ang pangkalahatang publiko.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni RD Wilhelm Suyko ang DOH MIMAROPA, ang PIA MIMAROPA at mga delegasyon mula sa iba’t-ibang LGUs sa kanilang pakikibahagi sa ginanap na virtual meeting.
Ayon sa kanya, bagama’t patuloy ang pagbabakuna sa mga miyembro ng priyoridad na grupo, may mga mangilan-ngilan pa ring nag-aalinlangan na magpabakuna.
RD Wilhelm M. Suyko, CESO IV, DILG MIMAROPA |
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga pangunahin at mahalagang impormasyon tungkol sa mga bakuna na mayroon sa bansa, mga napapanahong balita tungkol sa kasalukuyang pandemya, at mga stigma ng lipunan sa COVID-19.“Marahil, sawa na rin tayo sa paulit-ulit na mga lockdowns, walang humpay na community quarantine, at malamang ay nangangawit na rin ang ating mga tenga sa pagsuot ng face mask at face shield. Sa kabila nito, ako ay nagpapasalamat dahil mas pinili nating lahat na manatili sa loob ng bahay, patuloy na magsuot ng face mask at face shield, at palagiang mag-observe ng physical distancing. Dahil sa ating disiplina at pagsunod, nakikita pa rin natin ang isat-isa hanggang sa mga oras na ito”, wika ni RD Suyko.
Dr. Mathew Medrano, Medical Officer IV, DOH-CHD – MIMAROPA |
Unang tinalakay ang paksa tungkol sa Vaccine Primer, kung saan inilahad ni Dr. Mathew Medrano, Medical Officer IV ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) – MIMAROPA, ang mga siyentipikong pananaliksik na isinagawa upang siguruhin ang kaligtasan at bisa ng mga bakuna laban sa COVID-19. Aniya, may mabisang dulot ang mga bakuna sa pag-iwas sa pagkakaroon ng malubhang sakit at pag-iwas sa pagkalat ng sakit.
Romalyn Racho, RN, MMHA, Health Education and Promotion Officer III, DOH-CHD MIMAROPA |
Ito ay sinundan ng usapin tungkol sa mga mahalagang impormasyon na may kinalaman sa proseso ng pagbabakuna sa mga komunidad sa pamamagitan ng ekspertong pagpapahayag ni Bb. Romalyn Racho, RN, MMHA, Health Education and Promotion Officer III ng DOH-CHD MIMAROPA.
“Malaki ang maitutulong ng isinasagawa nating pagpapabakuna sa ating komunidad upang lubos na makamit ang pagkakaroon ng herd immunity”, pahayag ni Bb. Racho.
Dr. Christy Andaya, MO III, EREID Program Manager, DOH-CHD MIMAROPA |
Upang magbigay ng mga napapanahong balita at impormasyon tungkol sa COVID-19, tinalakay nama ni Dr. Christy Andaya, EREID Program Manager ng DOH-CHD MIMAROPA, ang mga datos hinggil sa iba’t-ibang uri ng COVID-19 variants na mayroon sa bansa.
Dagdag niya, umabot na sa 11 na variants ng COVID-19 ang naitala sa mundo magmula ng ito ay matuklasan noong 2019. Sa 11 na variants, apat dito ay maituturing na variants of concern habang pito naman ang variants of interest.
Binigyang diin din ni Dr. Andaya ang kahalagahan ng pagkuha ng tamang impormasyon mula sa mga lehitimong ahensiya at hinikayat ang lahat na makiisa sa pagsuporta sa mga aprubadong bakuna ng FDA at ng pamahalaan.
Dr. Sahlee Montevirgen-Sajo, MO IV, Mental Health Program Manager, DOH-CHD MIMAROPA |
Ang talakayan hinggil sa pagbibigay kaliwanagan sa mga sensitibong usapin tungkol sa COVID-19 ay pinangunahan ni Dr. Sahlee Montevirgen-Sajo, Medical Officer IV at Mental Health Program Manager ng DOH-CHD MIMAROPA. Ayon sa kanya, malaki ang nagiging epekto ng stigma mula sa lipunan tungkol sa usapin ng COVID-19.
“Ang stigma ay maaaring maging sanhi ng pagtatago ng mga sintomas at maaaring maging sanhi ng pagtaas ng numero ng mga kaso ng COVID-19”, wika ni Dr. Sahlee.
Payo niya, kung mawawala ang stigma, mas makakapag-focus ang lahat kung ano ang pinakaimportante at mapoprotektahan natin ang ating sarili at ang ating kapwa.
Sa nasabing town hall meeting, nagpaabot naman ng suporta sa adbokasiya ng pamahalaan ang mga Disiplina Muna Regional Ambassadors na sina Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr. at Naujan Mayor Mark Marcos.
Governor Presbitero J. Velasco, Jr., Province of Marinduque, Disiplina Muna Regional Ambassador |
“Hindi kaaway o dagdag na pasakit ang bukana laban sa COVID-19. Ito po ay para sa ating proteksyon. Huwag tayong maniwala sa mga haka-haka. Paniwalaan po natin ang ating mga doktor sapagkat sila ang higit na nakakaalam ng lunas”, pahayag ni Governor Velasco.
Ayon naman kay Mayor Marcos, kahit na pahirap ng pahirap ang ating laban sa COVID-19, nakikita pa rin natin na ang ating pamahalaan ay laging nakaagapay sa mga nangangailangan kasama ang ating mga frontliners.
Mayor Mark N. Marcos, Naujan, Oriental Mindoro, Disiplina Muna Regional Ambassador |
“Hindi ito kakayanin ng mga nanunungkulan sa ating pamahalaan kung walang suporta ng ating mga mamamayan. Suporta sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin ng pamahalaan laban sa covid-19, tulad ng tamang pagsuot ng face mask at face shield, paghugas ng kamay, pag-observe ng social distancing at syempre huwag muna tayong pumunta sa mga matataong lugar. Pero higit sa lahat, ang makapagliligtas sa atin ay ang tayo’y mabakunahan. Ang best vaccine po ay kung ano ang nasa ating bayan”, dagdag ni Mayor Marcos.
Matapos ang makabuluhang talakayan, pinangunahan ni Ginoong Lyndon Plantilla, Information Officer III ng Philippine Information Agency (PIA) – MIMAROPA, ang pagpapadaloy ng open forum upang sagutin ang mga katanungan na mula sa mga kalahok.
ARD Rey S. Maranan, CESO V, DILG MIMAROPA |
“Ang pagkakaroon ng vaccines sa ating bansa ay naging simbolo ng pag-asa at naging hudyat ng unti-unting pagbangon ng Pilipinas mula sa pagkakalubog na dinanas nito sa kasalukuyang pandemya. Hangad ng DILG na sa tulong ng kakatapos lamang na Townhall Meeting ay nagkaroon ng kaliwanagan at dagdag na kaalaman ang lahat sa atin tungkol sa kaligtasan at kahalagahan ng pagpapabakuna. Sa pamamagitan ng mahusay at makabuluhang paglalahad ng kaalaman ng ating mga eksperto ngayong araw. Nawa ay nabawasan na ang ating mga pangamba at atin nang piliin na magpabakuna laban sa COVID-19”, pahayag ni ARD Rey Maranan.
By: IO III Karen Shayne Duarte