Sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mas lalo pang dapat paigitingin ng mga lokal na opisyal ang kanilang pagsusumikap at manguna sa kampanya laban sa pagkalat ng COVID-19 sa kanilang mga komunidad habang ang pamahalaan ay naghahanda sa General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region..
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na dapat mahigpit na ipatupad ng mga LGU ang minimum health standards sa kanilang mga pamayanan tulad ng paggamit ng face masks sa mga pampublikong lugar, pagpapatupad ng curfew, pagpapanatili ng physical distancing sa mga palengke at iba pang matataong lugar, at one-passenger rule sa mga tricycle.
Ang pagtatransisyon patungo sa General Community Quarantine ay nangangahulugan ng pagluwag sa pagkilos ng mga tao at dapat siguraduhin ng mga lokal na opisyal na ang malayang pagkilos ng tao ay hindi magbubunga sa mas malaking bilang ng COVID-19 infection sa kanilang pamayanan, sinabi ni Año.
“Dapat paigtingin ng mga opisyal sa ating mga lokal na pamahalaan mula sa probinsya hanggang sa mga barangay ang kanilang mga ginagawa para masigurong ligtas ang lahat mula sa pagkalat ng sakit dahil nakasalalay sa inyo na mabawasan ang mga kaso ng COVID-19 sa inyong komunidad,” binigyang diin ni Año.
Sinabi rin niya na dapat gamitin ng mga LGU ang kanilang kapangyarihan na ipatupad ang localized lockdowns sa mga kritikal na barangay basta’t ito’y pinayagan ng regional IATF.
“Hindi tayo dapat magpabaya hanggang hindi pa nakikita ang lunas o bakuna laban sa sakit na ito. Sa ngayon, susundin natin ang istratehiyang “national-government-enabled, local government unit-led at people centered” sa pagtugon sa krisis na ito,” sabi ni Año.
Upang magkaroon ng pananagutan ang mga lokal na opisyal sa kampanya laban sa COVID-19 sa kanilang mga pamayanan, dapat nakipagtulungan ang publiko sa mga awtoridad at i-ulat ang mga pagkukulang ng mga local chief executives sa pagpapatupad ng mga health measures upang mapangalagaan ang mga taumbayan sa kanilang pamayanan.
Hinimok niya ang mga lokal na opisyal na bumalik sa drawing board at muling pag-aralan ang paggalaw ng lahat ng kanilang mga mamamayan at ipatupad ang mga localized measures upang baguhin ang kanilang gawi upang hindi na lumala pa ang pagkalat ng virus.
“Dapat ding isaalang-alang ng mga LGU ang mga makabagong pamamaraan sa pagnenegosyo tulad ng: on-line payment systems, paggamit ng telemedicine platforms para sa kanilang nasasakupan, paggamit ng courier services upang tanggapin at magpadala ng mga dokumento, at iba pang mga pagbabago,” sabi niya.
Sa pagpapatupad ng GCQ, dapat magsagawa ng mga hakbang ang mga lokal na opisyal upang matiyak ang pagsunod sa mga bio-safety at physical distancing rules, kasama na rito ang paglalagay ng visual cues sa mga matataong lugar at pagtatalaga ng mga marshalls upang ipatupad ang mga health regulations, sinabi ng Kalihim ng DILG.
Dapat ding ihanda ng mga lokal na opisyal ang mas maraming pulis at mga barangay tanod at iba pang mga force multipliers sa mga lugar na palaging dinudumog ng tao upang mapanatili ang kaayusan at masiguro ang physical distancing at bio-safety compliance sa mga nasabing lugar, aniya.
Kasama sa mga lugar na ito ang mga bangko, ATMs, supermarkets, pampublikong palengke, mga tindahan ng gamot, klinika, at iba pang mga lugar na madalas na pinupuntahan ng tao para sa kanilang basic needs, dagdag niya.
Sinabi ni Año na nananalo na tayo sa giyera laban sa COVID-19 ngunit ang mga lokal na opisyal ay dapat pa ring magbantay sa anumang bagay na magdudulot ng paglaki sa mga kaso sa kanilang mga komunidad.
Idinagdag niya na sa pangkalahatan, naging mahusay ang pagganap ng bansa sa pamamahala sa COVID-19 crisis. Ngunit, ang mga bagong hamong kinakaharap, tulad ng pagbabalik-bansa ng libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho at ang paglilipat sa mga informal settler families mula sa Metro Manila ang nagpapahirap sa pamamahala sa COVID-19 sa mga pamayanan.
“Ibibigay ng Pambansang Pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ninyo ngunit kailangan naman ninyong ibuhos ang inyong kakayahan at dedikasyon sa mga oras na ito upang masiguro na makakaligtas at lalabas na matatag ang mga kababayan natin pagkatapos ng krisis na ito,” binigyang-diin ni Año.
Sa kabilang dako, ang publiko naman ay dapat makipagtulungan sa mga awtoridad sa lahat ng oras ngunit maging mapagbantay laban sa mga opisyal na mabibigo sa kanilang pagtupad ng kanilang mga tungkulin, aniya.
“Ang proteksyon laban sa COVID-19 ay parang isang “two-way street” na nangangailangan ng tulong at pakikiisa mula sa ating lahat. Sa ganitong paraan natin mapagtitibay ang ating mga pamayanan at ang ating bayan sa pagsupil sa krisis na ito,” pagtatapos niya.
ctto: Central Office