June 1, 2020

Simula sa ika-1 ng Hunyo, hindi na kailangan ng publiko na magpakita ng quarantine pass tuwing lalabas ng kanilang tahanan sa ilalim ng general community quarantine, maliban na lamang kung i-require ng mga local government units (LGUs) na nasa critical at buffer zones o depende sa kondisyon sa lokalidad. Sa kabilang banda, ang mga tutungo sa ibang lalawigan ay hihingan ng travel pass maliban na lamang kung may kinalaman sa trabaho, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Hindi na po natin kailangan ng quarantine pass para payagang makalabas sa ating bahay pero hindi po ito ‘unli’ na kahit anong oras ay puwede. Patuloy pa rin po ang pagpapatupad ng curfew hours ng ating mga LGUs at puwede rin pong i-require ang quarantine pass ng mga LGUs sa piling lugar sa kanilang nasasakupan,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ayon kay Año, kinailangang luwagan ang mga patakaran upang unti-unting makabangon ang ating ekonomiya mula sa higit na dalawang buwan sa ilalim ng enhanced community quarantine, nguni’t hindi dapat makompromiso ang mga health protocol.

“Napinsala nang lubos ang ekonomiya ng ating bansa, maraming negosyo ang nagsara at ang mga kababayan natin ay nahihirapang itaguyod ang kanilang mga pamilya dahil nawalan sila ng hanapbuhay. Kailangan nating buksang muli ang kalakalan nang hindi naisasantabi ang mga health protocol upang malampasan natin ang pandemya,” dagdag pa niya.

Ayon sa kalihim ng DILG, ang pagluluwag sa quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ay magbibigay-daan sa lubusang pagbubukas ng mga industriya, ngunit hindi pa rin balik sa normal ang lahat.

“Bagama’t magkakaroon ng pagluluwag, hindi ibig sabihin nito ay basta na lamang tayong makakalabas at makakagala. Aalamin pa rin natin kung ang dahilan ba ng inyong paglabas ay essential pa rin at hindi para mamasyal lang,” aniya.

Nilinaw ni Año na kailangan pa rin ng quarantine pass sa mga ‘high-risk” na barangay sa mga critical zones at buffer zones na binabantayan at ginagawan ng contact tracing.

“May kapangyarihan pa rin ang mga LGU na magdeklara ng lockdown at humingi ng quarantine pass sa mga barangay o subdivision na sa tingin nila ay high-risk pa. Dahil dito, inaatasan ang mga mayor na ipamalita sa kanilang social media o iba pang pamamahayag kung kailangan pa ng quarantine pass upang makapasok sa ilang lugar sa kanila,” paliwanag niya.

Samantala, ipinahayag ng tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya na maaaring kumuha ng travel pass sa mga help desk ng pinakamalapit na himpilan ng Philippine National Police (PNP) basta magpapakita ng medical certificate mula sa health office ng munisipyo.

“Kung tatawid ng provincial or regional borders, ibang usapan na po iyon at kailangan na ng travel pass d’yan. Nasa public health emergency pa rin tayo at kontrolado pa rin ng pamahalaan ang galaw ng mga tao para hindi kumalat ang virus,” ani Malaya.

“Para sa mga manggagawang kailangang tumawid ng lalawigan o rehiyon patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan, dapat lamang na magpakita nila ang kanilang company ID o mga papeles na nagpapatunay na kailangan niya magbiyahe,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Malaya na magkakaroon pa rin ng mga random checkpoints sa Metro Manila at maghihigpit sa mga regional at provincial borders.

Magsasagawa ng random at mobile checkpoints ang Highway Patrol Group ng PNP sa pamamagitan ng kanilang Oplan Habol at Oplan Sita, kung saan ang mga pulis na nakamotor ay mag-iikot at pipigil sa mga unauthorized persons outside residence at mga lumalabag na pribadong sasakyan.

“Depende sa discretion ng mga PNP commanders, maaari nang bawasan ang mga fixed checkpoints at i-adjust ang mga mobile checkpoint,” aniya.

“Muli ay nakikiusap kami sa publiko na sumunod na lamang po sa ipinag-uutos ng LGUs at national government. Ang mga ipinapatupad naman po nating panuntunan ay para sa kapakanan ng ating lahat,” bilin ni Malaya.

“Huwag po tayong magpabaya at magrelax. Sundin pa rin po natin ang health protocols na palagiang paghuhugas ng kamay, pagsuot ng mask at physical distancing. Ang iniiwasan po natin ay bumalik tayo sa square one at lumobo ulit ang mga kaso ng Covid-19,” pagtatapos niya.

 

ctto: Central Office