Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang sugpuin ang COVID-19, sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nangangailangan ng 82,537 contact tracer ang pamahalaan para sa mga local contact tracing teams (CTTs) sa mga local government unit (LGUs) sa buong bansa, na siyang mamamahala sa pagsubaybay sa mga close contacts ng mga kumpirmadong pasyente ng COVID-19.

“Dahil wala pa ring bakuna o lunas para sa COVID-19, kailangang magsanay ang pamahalaan ng mga contact tracers na siyang susupil sa patuloy na paglaganap ng COVID-19, sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga na-expose sa virus at sa pagsubaybay sa kanila araw-araw sa loob ng 14 araw,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi ni Año na ang Kagawaran ay nakapagsumite na ng isang panukala sa Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) para sa hiring at training ng contact tracers bilang bahagi ng expanded contact tracing efforts ng pamahalaan para sa mabisang pamamahala ng pandemyang COVID- 19.

“Hinihintay namin ang pagsang-ayon ng IATF-MEID para makapagsimula nang maghire at magsanay ang mga LGUs ng mga contact tracers sa kanilang nasasakupan. Kailangan abante tayo ng isang hakbang at maging handa sa kakailanganing bilang ng contact tracers sa halip na mabigla tayo kapag dumating na ang panahong kailangan na natin sila para sa second wave.” sabi niya.

Sa ilalim ng panukala ng DILG sa IATF-MEID, ang mga sumusunod ay ang mga katangian ng contact tracer: nakapagtapos Bachelor’s Degree sa Allied Medical Courses, iba pang mga kursong may kaugnayan sa kalusugan, o Criminology. Sunod na pwedeng mag-aplay ang mga nakatapos ng hindi bababa sa dalawang taon sa kolehiyo sa mga kursong may kaugnayan sa medikal o criminology. Mas papaboran ang mga aplikante na may isang taong relevant experience at apat na oras ng relevant training.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Año na mayroong 52,463 contact tracers sa buong bansa na bahagi ng 3,347 local contact tracing teams. “Ayon sa WHO, ang tamang bilang ng contact tracer to population ratio ay 1:800 upang masakop ang 108 milyong Pilipino, ang totoo nyan, nangangailangan tayo ng 135,000 na contact tracers,” aniya.

“Bagaman may pangangailangan na maghire ng 80,000 CTs, hiniling namin sa IATF ang paghire lamang ng 50,000, dahil patuloy na nadaragdagan ng LGU ang bilang ng kanilang mga CTs at mayroon ding mga volunteers mula sa pribadong sektor,” aniya.

Sinabi niya na inaasahan ng DILG ang pag-apruba ng panukalang ito sa lalong madaling panahon at inaasahan na sisimulan na ang pagkuha ng karagdagang mga contact tracer sa susunod na buwan.

Ang DILG ang nangunguna sa contact tracing alinsunod sa IATF Resolution No. 25. Noong Abril 24, 2020, naglabas ang DILG ng memorandum circular 2020-077 na namamahala sa mga LGUs na magtatag ng LGU Task Force against COVID-19, kasama dito ang Contact Tracing Team.

Higit sa 87,000 contacts nasubaybayan

Samantala, sinabi ng DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo Florece Jr. na may kabuuang 87,092 mula sa 94,534 contact (92.13%) ang na-trace na ng mga local CTTs mula noong Hunyo 15 sa buong bansa.

“Ang mga contact tracer ang nagpapayo sa mga general contacts kung kailangan na nilang sumailalim sa home quarantine o kung ilalagak sila sa mga isolation facilities,” paliwanag ni Florece sa Webinar Series on Implementing Effective Contact Tracing Strategies for LGUs na inorganisa ng DILG at Local Government Academy (LGA).

Ipinaliwanag ni Florece na tungkulin ng mga contact tracer na parehas na subaybayan ang mga symptomatic at asymptomatic close contacts araw-araw sa loob ng 14 araw mula sa last point of exposure. Ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng rapid test o PCR test ay inieendorso sa mga ospital para sa tamang paggamot

Ang pinahusay na COVID-19 contact tracing efforts ay dulot ng pinagkaisang pagsisikap ng Department of Health, DILG, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Bureau of Fire Protection. Ang mga nakuhang datos sa mga contact tracing initiatives ay ibabahagi sa mga ahensyang ito para sa wastong COVID-19 testing at treatment na sumusunod sa mga probisyon ng RA 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.

 

CTTO: CENTRAL OFFICE